Barangay Ilayang Palale, Tayabas
 
Bayabas o Tinabas. Ang sinumang nagdaan sa Grade 3 sa Tayabas Elementary School (ngayon ay Tayabas South Central School) noong dekada 60, at marahil ay gayundin noong mga karatig na dekada, ay buong tatas na magkukuwento ng alamat ng bayan ng Tayabas: May dalawang pari – Padre Diego de Oropesa at Padre Juan de Plasencia  - na nagtanong sa isang batang nakasalubong kung ano ang pangalan ng lugar. Ang bata na hindi nakakaunawa ng Kastila ay nag-akala na ang itinatanong ng 2 prayle ay ang bitbit na buslo na puno ng bungangkahoy. Siya ay nagturing:  “bayabas”. Ang pagkakarinig ng 2 pari ay “tayabas”. Ang lugar sa ganoon ay nakilala na bilang Tayabas.
 
Ang bayan ng Tayabas ay itinatag noong taong 1578, at sina Padre de Oropesa at Padre de Plasencia ay tunay na bahagi ng kasaysayan ng Tayabas. Gayunpaman, napag-alaman natin sa botany na ang bayabas (Psidium guajava) ay hindi katutubo sa Pilipinas; bagkus ito ay nanggaling sa Latin Amerika at dinala dito ng mga Kastila, katulad din ng atis at aratiles, patani at patatas, kakaw at kakawate, at marami pang ibang halaman.  
 
Ang iba naman nating mga kababayan ay naghinuha na maaaring “tinabas” ang pinagmulan ng pangalang Tayabas, dahil ang ating bayan ay waring tinabas ng ilang ilog – Alitao, Ibiya, at Dumacaa.
 
Ang may-akda ay nagka-interes na magsaliksik ng pinagmulan ng pangalan ng bayang Tayabas (na babalikan natin huling bahagi ng artikulo) sa kanyang karanasan sa halamang katmon.
 
Katmon/ Palale. Ang may-akda na isang mananaliksik sa katutubong panggagamot ay namangha, mandin ay natuwa, nang marinig sa isang Mansaka sa Davao nang taong 2000 na ang isang puno na kilala niya sa pangalang katmon (Dillenia philippinensis) ay may taguring palali sa wikang Mansaka. Agad niya itong ikinuwento sa mga tiyuhin niya sa Ilayang Palale, na tunay namang hanggang ngayon ay marami pa ring puno ng katmon sa barangay.
 
Napalakas ang ganitong hinuha nang ang may-akda ay napagawi sa Casiguran, Aurora kung saan may sitio ng mga Agta sa San Ildefonso peninsula na ang pangalan ay Dipalali; palali rin ang tawag sa salitang Agta sa katmon sa nasabing lugar. Ganoon din may Bundok Palali sa Bayombong, Nueva Vizcaya at may Barangay Palali naman sa Alaminos, Pangasinan. Nakapasyal na ang may-akda sa Bundok Palali na isang banal na lugar ng panggagamot ng lipon nina Tatang Valentin de los Santos, Dominador Josafat de Guia, at ngayon ni Josue Tapang de Guia.
 
Ang may-akda ay nahilig na ngang maghanap ng pinagmulan  ng pangalan ng iba pang lugar sa Tayabas. Dahil may sadyang interes ang may-akda sa halaman, ang paghahanap ay naging kawiliwili dahil marami sa mga pangalan ng mga lugar ay nagmula sa halaman.
 
Mga halaman bilang pinagmulan ng pangalan ng lugar. Bukod sa pangkat ng 4 na barangay ng Palale (Ilaya, Ibaba, Silangan, at Kanluran) na nanggaling sa katmon (palale/palali), marami pang ibang barangay sa Tayabas na ang pangalan ay nagmula sa halaman; ang ilang halaman ay pamilyar sa marami, ang iba naman ay hindi. Kabilang sa mga metodolohiya ng paghahanap ng pinagmulan ng pangalan ng lugar ang pakikipagkuwentuhan sa mga matatanda, pagbabasa ng mga akda tungkol sa halaman, at pagrerepaso ng mga lumang mapa.
 
Pangalan ng barangay
Halaman na pinaghanguan ng pangalan
Maikling deskripsyon ng halaman

Ibang lugar na may katulad na pangalan
Alupay
Alupay/ Alupag (Euphoria didyma)

Ang alupay/ alupag ay puno sa gubat na may matamis na bunga. Ang kahoy ay ginagamit sa paggawa ng suklay. Ang alupag ang naitalang termino ni Dr Jonathan Malicsi para sa halamang ito sa kanyang disertasyon tungkol sa wika ng mga Ayta sa Zambales.

May Barangay Alupay din sa Rosario, Batangas.

Anos
Anos (Schizostachyum lima)
Ang anos ay isang uri ng kawayan na namumulaklak. Ginagamit sa paggawa ng sawali, sa bingwit ng isda, at bilang pamputol ng pusod ng bagong panganak.
May Barangay Anos din sa Los Banos, Laguna.

Baguio
Bagiw ay salitang Ibaloi at Ifugao Tuwali para sa iba’t ibang klase ng lumot.
Ginagamit na pataba ng mga magsasaka sa Cordillera.
Lungsod ng Baguio

Calantas
Kalantas (Toona calantas)
Kilala rin sa taguring Philippine cedar, ang malaking punong gubat na ito ay ginagamit sa paggawa ng bangka at bangko, kaha ng piano at kahon ng tabako. Ang balat ng kahoy ay ginagamit ding panlanggas sa sugat.
 
Calumpang
Kalumpang (Sterculia foetida)
Ang kalumpang ay puno na nakakain ang bunga. Ang balat ng kahoy ay lunas sa rayuma, ang dahon ay panlanggas sa sugat, at laksatib ang hilaw na bunga.
Ang Calumpang sa Marikina ay may kakaibang reputasyon noong dekada 70.

Dapdap
Dapdap/ Bagbag (Erythrina variegata)
Malaki ngunit malambot ang puno; may bulaklak na matingkad na kulay dalandan, na ang pamumulaklak diumano ay badya ng simula ng pamumugot ng ulo ng mga Bugkalot, ayon sa mga sinaunang salaysay.
 
Nangka
Nangka/ Langka /Jackfruit (Artocarpus heterophyllus)
Ang matamis na bunga ay paborito ng marami. Ang buto ay inilalaga at hawig sa kamote, mani, o kastanyas ang lasa, depende sa kumakain. Ang sinunog na dahon ay ginagamit para sa sugat, sa katutubong panggagamot.
 
Pandakaki
Pandakaki (Tabernaemontana pandacaqui)
Palumpong (shrub) na may puting bulaklak at mapait na ugat,  katawan, dahon, bunga, at bulaklak. May mga preliminaryong pag-aaral noon ng gamit ng pandakaki para sa kanser.
 
Pangalan ng ibang mga lugar. Para sa ibang lugar, ang may-akda ay wala pang nakitang matibay na basehan ng mga pangalan. Nag-iimbita siya ng mga kontribusyon mula sa ibang mahilig sa leksikon, sa paghahanap ng ebidensiya sa pinagmulan ng mga pangalan.
 
Pangalan ng lugar
Maikling paliwanag

Alitao

May bayan ng Aritao sa Nueva Vizcaya. Bilang bata, mayroon tayong narinig na alamat na may kinalaman sa Ale-Tao.

Ayaas
May Bundok Ayaas sa bahagi ng Bulubunduking Sierra Madre sa Rodriguez, Rizal. 

Banilad

May lugar na Banilad sa Cebu.

Bukal
Mas malamang kaysa hindi na nagmula sa bukal, na may karamihan sa Barangay Bukal na nasa paanan ng Bundok Banahaw.

Camaysa
Maaaring kamagsa rin (Rourea erecta), isang palumpong (shrub) na may taglay na lason ang bunga, subalit ginagamit ang ibang bahagi ng halaman sa katutubong panggagamot.

Ipilan
Maaaring sa “lugar na maraming ipil”. Ang ipil (Intsia bijuga) ay katamtamang laking puno na ang bunga ay maaaring kainin matapos itong mababad nang 3 o 4 na araw. Ang balat ng kahoy ay ginagamit sa pagtatae sa katutubong panggagamot.

Isabang
Maaaring tumutukoy sa “tungo sa sabang” (bunganga ng ilog). May mga pangalang Isabang o Sabang sa Lucena, Majayjay sa Laguna, Puerto Galera sa Oriental Mindoro, at San Jose sa Camarines Sur.

Ilasan
Maaaring sa “lugar na maraming ilas” (anuman ang ilas, kung may ganitong salita) o “tungo sa lasan” (anuman ang lasan, kung may ganitong salita).

Katigan
Maaaring sa “lugar ng katig”.

Lakawan
Maaaring sa “lugar na maraming lakaw” (anuman ang lakaw, kung may ganitong salita).

Talolong
May Ilog Talolong sa Lopez, Quezon.

Tongko

Ang tongko ay tumutukoy sa 3 bato na bumubuo ng paglalagyan ng kaldero, kawali, o palayok sa pagluluto. Sa mga Ayta Mag-indi sa Porac, Pampanga, ang tongko ay paraan ng tatsulok na pagtatanim sa mga dalisdis ng bundok upang maiwasan ang pagguho ng lupa kung umuulan.
 
Paghahanap pa. Marami pang lugar na mga hinuha lamang ang masasabi ng may-akda tungkol sa pinagmulan ng pangalan, sa iba naman ay talagang wala pang masasabi.
 
Ang Pook ay salitang generik sa isang lugar samantalang ang Lalo ay mahihinuha na lugar na malayo na, o nasa ibayo na, ng bayan.  Sa kabilang banda, ang Wakas ba ay tumutukoy sa katapusan ng lunan (o katapusan ng panahon, o katapusan ng isang kuwento)? Ano ang naputol sa Potol? O ito ba ay pangalan na tumutukoy sa iba pa?
 
Ang Mateuna ay nasa unahan ng Mate, na gayon nga sa ating heyograpiya, kung mag-uumpisa sa poblasyon. Pero ano ang mate?
 
Ang Malaoa, Masin, o Mayowe ba, sa isang simplistikong paghihinuha, ay tumutukoy sa “lugar na maraming laoa, sin, o yowe”? O iba pa ang pinagmulan ng pangalan?
 
Ang Gibanga o Ibas ba, gayundin sa isang simplistikong paghihinuha, ay tumutukoy sa “tungo sa banga o bas”? O iba pa ang pinagmulan ng pangalan?
 
Ang Valencia, Angeles, Angustias, San Diego, San Roque, at San Isidro ay pawang tumutukoy sa mga salitang Kastila. Samantalang wala tayong mahinuha sa Alsam, Domoit, Opias, at Tamlong. Sila ba ay pangalan ng hayop, halaman, o iba pa?
 
Tagabas/ Tayaba/ Tayabas.

Sa pagbabalik sa paksang kung saan nanggaling ang pangalan ng bayan, ang may-akda ay aktibong nagtatanong sa mga lugar na napuntahan kung may alam na salitang tagabas o tayabas, batay na rin sa kanyang nakita sa lumang mapa na may Tayabasan River malapit sa Bundok Domire sa Rizal  at may Tagabas Stream sa Barra, Lungsod ng Lucena.
 
Sa maraming lugar sa Samar, may pako na mas malaki sa pakong buwaya na kung tagurian ay tagabas ng mga Waray. Sa mga Ayta Mag-indi sa Camias, Porac, Pampanga, tayabas ang tawag nila sa malaking pako (tree fern), samantalang ang parehong pako ay tinatawag na tayaba ng mga Ayta Mag-antsi sa Inararu, Porac, Pampanga. Ang tayabas/ tayaba ay may mabalahibong kulay-kapeng usbong na kawiliwiling hipuin o haplusin na parang alagang pusa, aso, o teddy bear, ayon na rin sa mga Ayta.
 
Nagbalik ang may-akda sa kanyang mga tiyuhin sa Ilayang Palale upang ibahagi ang kanyang nakuhang kaalaman tungkol sa pinagmulan ng salitang Tayabas, na ikinatuwa nila. Mas natuwa sila sa impormasyon na ang pinagmulan ng pangalan ng angkang Cabuyao ay kulubot na citrus na kung tawagin ay kubot o kulubot sa Palale, at kabuyaw o kabugaw naman sa ibang lugar.
 
Postkrito 1.

May Cabuyao sa Laguna at Cabugao sa Apayao at Ilocos Sur at may Bundok Cabugao sa Gabaldon, Nueva Ecija. Gayundin, napakarami pang ibang lugar na naipangalan mula sa halaman – Lukban, Sampaloc, Pitogo, Tagkawayan sa Quezon. At sa iba pang maraming lugar - Maynila, Marilao, Manggahan, Meycauayan. Gayunpaman, tunay na maraming mga pangalan ng lugar sa Tayabas at sa buong Pilipinas na hindi pa alam ang pinagmulan. Ang pangalan ng bawat lugar ay may nakaimbak na kaalaman sa kalikasan, kalinangan, kalipian, o kasaysayan. Kailangan ng pananaliksik upang malaman sila. Ang maigi sa Tayabas ay hindi hilig ng mga mamamayan at mga namumuno ang pagpapalit ng pangalan ng mga barangay.
 
Postkrito 2.

Kamakailan ay nagtungo ang may-akda sa Barangay Barra, Lucena. Kung titingin pailaya mula sa lugar ng Tagabas Stream (wala na sa kamalayan ng mga taga-Barra ang pangalang tagabas), patalikod sa Tayabas Bay, kahit tanghaling tapat, napakagandang tanawin ang Bundok Banahaw. Dito kaya dumaong ang 2 pari at dito nagsimulang magtatag ng bayang Tayabas? Nakasalubong man nila o hindi ang batang may bitbit na buslo na puno ng bungangkahoy.
 
Mga pinagsanggunian
Merrill ED. A flora of Manila. Manila: Bureau of Printing, 1912.

Quisumbing E. Medicinal plants of the Philippines. Quezon City: Katha, 1978.

Traditional Knowledge Digital Library on Health. www.tkdlph.com. 2016
www.katutubolokal.com. 2016