Rodelito Remo Sr at Isidro C Sia

Pangarap naming mga Ayta Tayabas na sana ay magkasamasama
kaming muli sa isang kapirasong lupa na masasabi naming
amin.

Noon, ayon sa aming mga ninuno, ang katribuhan ng mga Ayta
Tayabas ay gumagalugad sa malawak na sakop mula Bundok
Banahaw hanggang sa mga kailugan na humahantong sa Look ng
Tayabas (Tayabas Bay) sa kanilang pangingisda at
pangungunyapit (pangangaso). Mayaman sa mga isda, kunyapit
(bayawak), kapilo (pagong), usa at iba pang hayop ang mga
gubat at ilog sa Bundok Banahaw hanggang Look ng Tayabas.

Sa ngayon, ang aming mga nagkawatak-watak na lipi ay
nagkakatipon sa ilang lugar sa Quezon, Batangas at Laguna.
Kung saan may ikabubuhay, nandoon kami. Nandito ang pamilya
ko, kasama ang mga iba pang 90 pamilya sa Barangay Tongko,
Tayabas, Quezon. Ang ilan pang mga pamilya ay nasa kalapit
na Barangay Domoit at Bocohan sa Lucena City.

Ang iba ay nasa Barangay Putingkahoy (Rosario, Batangas) na
kung saan si Mary Grace Magtibay ang kasalukuyang chieftain
at sa Barangay Milagrosa (dati ay Barangay Tulo, sa Calamba,
Laguna) na kung saan si Ronnie Remo naman ang pinuno.

Ang ibang kalipunan namin ay hindi organisado at walang
pamunuan. Ang mga katribo naming ito ay nasa Barangay
Balubad (Atimonan, Quezon), Barangay Banuyo (San Luis,
Batangas), at Barangay San Jose Sico (Batangas City). May
ilan ding pamilya sa Balayan at Calaca sa Batangas

Ang pagkakakilanlan naming wika (Ayta Tayabas) ay
itinuturing na isa nang patay na lengguwahe subalit
pinapangarap naming patuloy kaming mabuhay, maghanapbuhay at
makipamuhay bilang isang kalipian na may pagkakakilanlang
kultura at kakanyahan. Sa partikular, ipinagmamalaki namin
ang mga kababaihan ng aming tribo na  katuwang namin sa
paghahanapbuhay. Masigasig sila na naglalako sa mga
karatig-bayan ng mga halamang gamot na inani sa Bundok
Banahaw at ang paggamit ay batay sa pamanang kaalaman ng
aming mga ninuno.

Sana ay makatuwang namin ang mga kababayan at kaibigang
mapagmalasakit na makamit ang lupang masasabing aming
tahanan. Kanlungan ng aming yamang-likas, kultura at lipi.

______________
Isinalaysay ni Rodelito Remo Sr kay Isidro C Sia, 2014 Abril
9, sa Barangay Tongko, Tayabas, Quezon. Si Rodelito Remo Sr
(Ondet sa mga katribo at kaibigan) ay chieftain ng mga Ayta
Tayabas sa Tongko. Si Isidro C Sia ay isang guro sa
Unibersidad ng Pilipinas Manila.

Kung may mga katanungan o komento tungkol sa lathalang ito,
maaari pong mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..


Kung nais sipiin ang lathalang ito, maaari pong gamitin ang
sumusunod na pormat: Remo RSr, Sia IC. Pangarap naming mga
Ayta Tayabas. Available from: www.katutubolokal.com. Updated
2014Apr09, cited YYYYMmmDD.